Nasabat ng mga awtoridad sa Maynila ang aabot sa mahigit P200 halaga ng pinaghihinalaang marijuana at naaresto ang tatlong suspek, at mga parokyano nila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nasukol ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation sa isang eskinita sa Ermita, Maynila pasado ala-una ng madaling araw kanina.

Nahuli ang tatlo umanong nagbibenta ng marijuana at tatlong bumibili raw sa kanila.

Nasabat ang nasa dalawang kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P240,000.

Sa inisyal na imbestigasyon, mga kabataan at mga kustomer ng kalapit na bar ang mga parokyano ng mga suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang ibang mga naaresto.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. —LBG, GMA News