Mayroong outstanding warrant of arrest para sa kasong pagpatay noong 2023 ang lalaking namaril sa isang basketball court na malapit sa residential building sa Parañaque City, na ikinasawi ng dalawang tao at ikinasugat ng apat na iba pa.
Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel, convicted sa kasong homicide noong 2023 ang 59-anyos na suspek.
May petsang June 16, 2023 ang arrest warrant na inilabas ng Taguig City Regional Trial Court Branch 153.
Miyerkules nang gabi nang paputukan ng suspek, gamit ang kalibre .9mm na baril, ang mga biktima na naglalaro ng basketball.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na residente sa condominium ang suspek, at dati nang nakaalitan ang isa sa mga nasawi, at nasugatang mga biktima.
“Around the last week of December and the last week of February, the suspect allegedly knocked on the unit of one of the victims. Our victim reported the incident to security,” sabi ni Parañaque City Police chief Police Colonel Nicolas Piñon, na maaaring may hinahanap ang suspek.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek.
Ayon sa Azure Property Management, na namamahala sa residential area na pinangyarihan ng krimen, nakikipagtulungan sila sa pulisya sa isinasagawang imbestigasyon.
“We are extending our full support to the victims and their families, coordinating with the proper channels to ensure they receive the necessary care and attention during this difficult time,” saad nito. — Joviland rita GMA Integrated News

