Arestado ang isang 28-anyos na babae at apat na iba pa matapos niyang isalang sa online kalaswaan ang mga menor de edad, kabilang ang mga sarili niyang anak.

Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing sinabing kumilos ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Violence Against Women and Children Desk at NBI Forensic Laboratory Division nang ipakita ng suspek sa undercover agent ang mga batang isasalang niya sa cyber sex.

Sinubukan pang lumabas ng bahay ng primary target pero agad na pinigilan ng mga operatiba.

"Sinalakay ng NBI-VAWCD at FLD ang target area at doon naaktuhan natin ang suspek na ino-offer ang kaniyang dalawang menor de edad sa ating undercover pusher," sabi ni Atty. Gisele Garcia-Dumlao, spokesperson ng NBI.

Bitbit ang cyber warrant at gamit ang mga makabago equipment, na-extract ng NBI-FLD mula sa cellphone ng suspek ang mga ebidensya tulad ng mga alok na pinapagawa niya sa mga sariling anak habang naka-live cam sa mga parokyano.

Nadiskubre ang online kalaswaan ng nanay nang madakip ang isang pedophile sa Amerika na may hawak na mga child porn material galing sa dinakip na suspek.

Nasagip ang pitong menor de edad.

Nahaharap ang limang suspek sa reklamong paglabag sa child abuse law, child trafficking at paglabag sa Cybercrime Prevention Act. — Jamil Santos/VBL, GMA News