Nauwi sa pagtatalo ang pagkumpiska ng traffic enforcer ng Maynila sa lisensya ng isang motorista na may paglabag umano sa batas trapiko. Giit ng driver, ang Land Transportation Office (LTO) at deputized agents lang ang may karapatan mangumpiska ng lisensya batay sa kautusan ang Department of the Interior and Local Government (DILG). Sino nga ba ang tama?
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang video ng mainit na diskusyon ng sinitang truck driver at ang traffic enforcer ng Maynila.
Bukod kasi sa pag-isyu ng traffic violation ticket, kinukumpiska ng enforcer ang lisensiya ng driver.
Iginiit ng driver at kasama nito na mayroong DILG memorandum circular mula kay Interior Secretary Benhur Abalos na inilabas nitong Setyembre, na nagsasaad na tanging LTO at at deputized agents lang ang marapatan mangumpiska ng lisensiya.
“’Yung sa atin was on the basis of ‘yung pinirmahan ng joint memorandum ng former DILG (Ronaldo) Puno which was on the basis of the creation of the LTO,” paliwanag ni Abalos nang makapanayam sa naturang ulat.
“Mayroong isang provision doon na talagang sinasabi na talagang ang LTO lamang ang puwedeng mag-confiscate or any of the authorized agents, hindi ko lang alam kung authorized ng LTO ang Manila,” dagdag niya.
Pero paliwanag ni Atty. Princess Abante, spokesperson at head of communication ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang lokal na pamahalaan na mayroon umanong sariling traffic codes ay maaaring maging "authorized under the Local Government Code.”
“Ang posisyon namin, national agencies and other local government units na walang ordinansa on their traffic, they need deputization from the LTO. But LGUs, like Manila na nag-enact at nagkaroon ng valid na traffic code may be authorized under the local government code,” giit ni Abante.
“As soon as Secretary Abalos issued that memorandum, the city of manila through our Mayor Honey already sent a communication to the Office of Secretary Abalos, informing the Secretary that we will continue to implement our local ordinance in traffic as empowered in the local government code,” dagdag niya.
Umaasa si Abalos na mareresolba ang naturang usapin tungkol sa pagkumpiska ng lisensiya para sa kapakanan ng mga motorista.
Mananatili naman daw na bukas ang linya ng komunikasyon ng DILG para sa LGUs.
“’Yung batas, kanya-kanyang interpretation ‘yan, but that is our interpretation. Kung kaya’t we’re giving them time na tingnan nila, i-review nila ‘yung ordinance nila,” ani Abalos.
“Baka pwede pag-usapan din para ‘yung proseso mas maginhawa sa lahat,” dagdag niya. —FRJ, GMA News
