Asahan ang pagbaba ng bilang ng mga turistang Chinese sa Pilipinas matapos ihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isinama sa blacklist bilang tourist destination ng gobyerno ng China ang bansa dahil umano sa offshore gaming o POGO.

Ang impormasyon ay nakuha umano ni Zubiri kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

“Ambassador Huang said that the Philippines now is part of a blacklist of tourist sites because they do not know if a tourist will be joining POGO operations and they don't know if their nationals who go to the Philippines will be safe from illegal activities being done by the triad, by the syndicates operating POGOs,” pahayag ni Zubiri sa pagdinig ng Senate ways and means committee tungkol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“They may be kidnapped, mistaken for POGO operators. That’s the reason why there’s been a significant drop in Chinese tourists. By the way, they are the largest number of tourists pre-pandemic,” dagdag ng lider ng Senado.

Sinabi ni Zuburi na nakuha niya ang impormasyon mula sa embahador ng China nang mag-courtesy call ito sa kaniyang tanggapan nitong Lunes.

Ayon kay Zubiri, umaasa umano si Huang na kikilos ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa naturang usapin.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng Chinese Embassy upang kompirmahin ang sinabi ni Zubiri.

Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza, na aalamin nila ang tungkol sa umano'y pahayag ni Huang

Wala naman umanong natatanggap na abiso ang Malacañang tungkol sa pagkaka-blacklist ng Pilipinas bilang pasyalan ng mga Chinese.

“Sa totoo lang, wala pa po kaming nare-receive na advisory with respect to that blacklisting issue, pagdating na lang po, ‘pag nabigyan kami ng kaukulang advisory, we will make a proper comment,” pahayag ni Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil sa press briefing.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon na tumawag ang China sa ilang bansa na ipagbawal ang offshore gaming operations pero "the Philippines did not heed the call.” —FRJ, GMA News