Naaresto sa Laoag City, Ilocos Norte sa bisa ng arrest warrant ang isang dating beauty queen na umano'y sangkot sa investment scam at nakakuha raw sa mga biktima ng halagang aabot sa mahigit P50 milyon. Ang ilan sa mga biktima, pulitiko umano.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jewel May Lobaton, dating Binibining Pilipinas Universe 1998.
Sa isang hotel sa Laoag pinuntahan ng mga miyembro ng Batangas Provincial Police Office (PPO) at Laoag City police si Lobaton na nahaharap sa kasong estafa.

“Nagpapakilala siyang producer, talent agency...nagsasabi rin siya po na may party-list but she's actually not represented by any," ayon kay Batangas PPO Provincial Director Police Colonel Pedro Soliba. 

"Ginagamit nga niyang apelido 'yung sa dati niyang kinakasama na politician para maniwala itong mga would be victims niya sa kaniyang pang-i-scam,” patuloy ni Soliba.

Karamihan daw sa nabiktima ng suspek sa modus nito ay mga pulitiko.

“More than 10 siguro [ang nagrereklamo]. Basta marami. Karamihan mga politician pa at kanilang mga kamag-anak,” anang opisyal ng Batangas police.

Sinubukan umanong kunan ng pahayag si Lobaton pero tumangga siya, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News