Inihayag ng ilang motorcycle taxi rider ang kanilang takot na bumiyahe sa gabi matapos ang mga insidente ng pagnanakaw at pagpatay sa ilan nilang mga kabaro sa Caloocan at Cavite. Saad ng isang namamasada sa gabi, “Halos rider 'yung pinupuntirya ngayon eh. Nakakatakot talaga.”
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing patuloy ang pagdating ng mga nakikiramay sa pamilya ng pumanaw na motorcycle taxi rider na si Fabio Norberte Jr., o mas kilala bilang Kuya Junjun, matapos saksakin ng kaniyang pasahero sa Caloocan Martes ng madaling araw at tangayin ang kaniyang motorsiklo.
Ilan sa mga dumalaw sa kaniyang burol sa Barangay San Antonio sa San Francisco del Monte, Quezon City ang kaniyang mga kapwa rider, na bumibiyahe sa gabi.
Sumaglit si Elvin Olarde sa burol ni Norberte pagkatapos maghatid ng pasahero.
Kuwento ni Olarde, nakakasabay niya sa kalsada si Norberte o Junjun sa gabi-gabing pagbiyahe kaya hindi siya makapaniwala sa dinanas ng kapwa motorcycle taxi rider.
“Mabait ito sir, matulungan ito sir. Lalo na ‘pag may nasiraan sa daan. Ano ito eh, tumutulong talaga,” sabi ni Olarde.
Inihayag niya ang pangamba para sa kaniyang kaligtasan dahil sa sinapit ni Norberte.
“Halos rider 'yung pinupuntirya ngayon eh. Nakakatakot talaga sir, sunod-sunod na po sir eh. Hindi lang isa, hindi lang dalawa. Maraming beses nang nangyayari,” ani Olarde.
Nangangamba rin ang mga motorcycle taxi rider na sina Jill Joseph at Richmond Agtarap, na mga bumibiyahe rin sa gabi.
Nagdadalawang isip na umano silang tumanggap ng booking kapag hindi pamilyar sa kanila o alanganing lugar ang drop-off point o destinasyon.
Nagtatanong muna sila sa customer kung ligtas ang pupuntahang lugar.
“Nakakatakot po kasi hindi mo po alam ‘yung bababaan mo kung madilim ba. Kaunting dasal na lang po kasi may dalawa din po ako anak eh,” sabi ni Joseph.
“Parang ayoko na nga bumiyahe ng panggabi. Kinikilatis ko ‘yung customer sir kung siya, galaw niya or kung ano ba ‘yung gagawin niya,” sabi ni Agtarap.
Kasunod ng insidente, naantig ang netizens sa nag-viral na larawan ng isang rider na may note sa helmet na nakasulat, “Buntis po ang asawa ko. Huwag niyo po ako sanang saktan.”
Sinabi ng uploader na si Primo Baconawa, na madalas gumamit ng ride-hailing apps, na nakababahala ang mga nagaganap na krimen sa bansa na nagdadala ng takot sa mga Pilipino.
Nagluluksa sa rin ang Motorcycle Taxi Community Alliance sa pagkasawi ng motorcycle taxi rider.
"Maawa naman tayo. Maawa naman po sila sir sa rider. May pamilya ‘yung tao, may anak. Papatayin mo, naghahanapbuhay nang maayos," sabi ni Romeo Maglunsod, Chairperson ng Motorcycle Taxi Community Alliance sa panayam sa kaniya sa Super Radyo dzBB.
Siniguro naman ng Philippine National Police na makikipag-ugnayan sila sa mga ride-hailing company, lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder para lalong matiyak ang kaligtasan ng mga rider, pasahero at publiko.
Bumuhos sa unang araw pa lamang ng burol ni Norberte ang tulong mula sa iba't ibang mga personalidad at opisyal ng pamahalaan.
Nagpapasalamat naman ang pamilya sa mga nagpaabot at magpapaabot pa lamang ng tulong sa kanilang pamilya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
