Nais ng transport group na Pasang Masda na magkaroon ng P1 na dagdag-singil sa pasahe bilang “surge fee” tuwing rush hour dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, inihayag ng ilang driver na walang saysay ang dagdag-singil sa pasahe na ipinatupad ngayong Oktubre dahil mahal pa rin ang presyo ng petrolyo--partikular ang diesel na ginagamit sa mga jeepney.
“Kahit tumaas po ang pamasahe, hindi pa rin po sapat yung dinagdag nilang pamasahe sa taas ngayon ng diesel. Hirap pa rin po kami. Hindi pa rin po kaya,” ayon kay Ernest Mangune.
Sa Martes, muling magpapatupad ng panibagong pump price hike sa ikalawang sunod na linggo.
Sa magkahiwalay na abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc., aabot sa P2.70 bawat litro ang itataas sa presyo ng diesel. Nasa P.80/L naman sa gasolina, at P2.90/L sa kerosene.
Noong nakaraang linggo, umabot sa mahigit P6/L ang itinaas sa presyo ng diesel, mahigit P1/L sa gasoline, at mahigit P3/L sa kerosene.
Ang pagtaas ng presyo ng krudo ay sinasabing epekto ng desisyon ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na bawasan ng produksiyon nila ng langis ng dalawang milyong bariles.
Samantala, bukas naman ang ibang pasahero sa mungkahing surge fee sa rush hour para matulungan ang mga tsuper at operator ng jeepney.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala na munang panibagong fare increase na ipatutupad ngayong taong 2022. —FRJ, GMA News

