Hinabol at pinagpapalo ng kahoy ng isang lalaking sakay ng tricycle ang isang pumasadang UV Express sa East Side Road Floodway sa Rizal.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, nakuhanan ng video ang pamamalo ng lalaki at ang habulan ng dalawang sasakyan mula sa bayan ng Taytay hanggang Cainta sa Rizal.

Napuno ng takot ang mga pasahero ng UV Express kaya itinigil ng drayber ang sasakyan sa harap ng isang police station at humingi ng tulong.

Pinagharap naman ng mga pulis ang mga sangkot sa gulo. Pero tumanggi na raw ang mga ito na i-turnover sila sa Taytay at makikipag-ayos na lang daw.

Dahil nag-viral ang video, nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) tungkol sa insidente.

Lumalabas na ikinagalit ng mga tricycle driver ang pagsasakay umano ng mga UV driver ng mga pasahero sa hindi tamang lugar.

Giit pa ng mga tricycle driver, mayroong kautusan ang lokal na pamahalaan sa tamang loading at unloading zone sa lugar.

“Ayaw nila nung dadaan ang mga UV Express, magsasakay ng pasahero papuntang Crossing…papuntang Pasig kasi naagawan sila ng pasahero,” saad ni PEMS Bria Boycee Membrere.

Dagdag pa ng mga tricycle drivers, hindi nila kasamahan ang lalaking nakitang nanghataw ng kahoy sa video kundi isang pasahero na muntik na raw mabangga ng UV Express.

Hindi na rin umano muling nagpakita sa terminal ng tricycle driver na nagsakay sa nasabing lalaki.

“‘Yung driver, inabandona nga yung motor eh. Di na makita kasi alam niya na may suspension talaga sila. Ngayon, ang ginawa ko na lang, binigyan ko ng suspension 'yung unit. Di makakabyahe. One week,” sabi ni FEMPATTODA President Reynald Cadigoy.

Upang maresolba ang awayan ng mga drayber, balak umanong ipatawag ng PNP-HPG ang samahan ng mga UV Express at tricycle drivers para magkaroon ang mga ito ng kasunduan.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News