Masarap papakin ang mani. Pero may mga paniniwala na maaari umano itong maging sanhi ng paglabas ng mga tigyawat. Totoo nga ba ito? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," kabilang ang flight attendant na si Kimberly Angcay, sa mga maniniwala na maaaring ang mani ang dahilan ng kaniyang acne breakout.
Naglabasan daw kasi ang kaniyang mga tigyawat isang araw makaraan siyang kumain ng isang pakete ng mani.
At dahil sa kaniyang trabaho na kailangang laging presentable, aminado si Kimberly na hindi maiwasan na bumaba ang kumpiyansa sa sarili dahil sa kaniyang tigyawat.
Kung ano-anong produkto na rin daw ang kaniyang sinubukang para mawala ang kaniyang mga tigyawat pero walang nangyari. Ginawa rin niya ang fasting at tinatawag na water detox pero bumabalik pa rin ang kaniyang tigyawat.
Ayon kay Dra. Jean Marquez, dermatologist, hindi 100 percent na siguradong mawawala ang tigyawat sa fasting. Gayunman, nakatutulong daw ito balat at sa katawan ng tao.
Pero paalala niya, dapat sumangguni muna sa duktor kapag magpa-fasting dahil hindi lahat ng tao ay maaaring gawin ito lalo na kung matagal.
Sinabi rin ni Dra. Jean na walang matibay na pag- aaral na nagsasaad na dahilan ng breakout ng acne ang mani.
Pero ang ginagamit na mantika sa pagluluto nito ay maaaring nakapagdulot ng pagtaas ng androgen hormones na posibleng dahilan ng pagkakaroon ng tigyawat.
Bakit nga ba nagkakaroon ng tigyawat at paano maalagaan ang balat? Ano nga ba ang mga pagkain dapat iwasan o kontrolin ang konsumo para hindi magkaroon ng acne? Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Pinoy MD."--FRJ, GMA News
