Kung masasarap na lobster ang usapan, puwedeng ipagmalaki ng mga taga-El Nido, Palawan ang kanilang lugar.
Kaya naman, proud na proud din ang isang lalaki dahil nasungkit niya ang puso ng kaniyang "one and only love" sa pamamagitan ng espesyal lobster dish.
Kung paano nagsimula ang kanilang matamis na pag-iibigan, alamin.
Sa programang “iJuander”, ikinuwento ng mag-asawang Jerome at Cresie Mae Ascaño kung paano sila nagkakilala at kalauna’y umibig sa isa’t isa.
“Five years na kaming na nag-sasama ng misis ko, but two months pa lang kaming kasal,” ani Jerome.
Tubong Roxas City si Cresie at dahil nagmula siya sa seafood capital ng Pilipinas, pangkaraniwan na raw sa kaniya ang makakain ng lobster.
“Yung lobster po kasi ay may magandang bahagi sa buhay ko. ‘Yan po kasi ‘yung naging way para mag-provide ‘yung papa ko para sa family niya. ‘Yan po kasi ang hanapbuhay niya, nanghuhuli siya ng lobster. ‘Yan din po ang naging basic food ng family,” aniya.
Nagkakilala raw ang dalawa dahil sa nanay ni Jerome. Inimbitahan daw si Cresie sa simbahan na kinabibilangan ni Jerome.
Ang nagkakilala sa simbahan, sa simbahan din pala ang tuloy!
Naalala pa daw nila na dinadaan-daanan lang nila ang isa't isa. Lumipas ang tatlong buwan, kaulana’y nahulog din ang loob nila sa isa’t isa.
“Natuklasan na lang namin na parehas kami ng gusto sa buhay, parehas kami ng interes, pareho kaming breadwinner ng family namin. Kumbaga nag-click kami hanggang sa nag-grow na lang ang feelings.
Dito na rin nalaman ni Jerome na mahilig pala sa lobster si Cresie.
Dahil maninisid ng lobster ang tatay niya sa Roxas City, hindi nag-atubiling magpasikat si Jerome at agad na ipinagluto ang kasintahan ng paboritong nitong lobster.
“Noong mga panahon na nililigawan ko siya, nagtitiyaga akong ihatid at sundo siya kahit maputik ang daan doon, bumagyo o umulan, madalas na ipinagluluto ko siya kung saan siya nag-board doon. So, ‘yun ang ginawa ko para makamit ang matamis na oo,” saad ni Jerome.
“Noong una niya akong pinagluto ng lobster, na-touch po talaga ako kasi ‘yung way niya to express na ako ay espesyal is ‘yung way ng tatay ko para i-express ‘yung pagmamahal niya sa aming mga anak. So malaking factor po ‘yun,” dagdag pa ni Cresie.
Ang espesyal lobster dish ni Jerome na nagpa-ibig kay Cresie, panoorin sa video ng iJuander!—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA News
