Sugatan ang anim na katao, kabilang ang dalawang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), matapos silang masagasaan at saktan ng isang SUV driver sa Quezon City nitong Sabado ng umaga.
Nangyari ang insidente sa Quezon Avenue, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B TV.
JUST IN: 6 Sugatan, kabilang ang 2 tauhan ng MMDA matapos na managasa at manakit ang isang driver ng SUV sa Quezon Avenue, Quezon City @dzbb pic.twitter.com/j48GMbX0Jr
— Luisito Santos (@luisitosantos03) December 3, 2022
Ayon sa MMDA traffic enforcer na si Jomari Dayrit, naka-stop ang dalawang motorsiklo sa intersection nang inararo sila ng SUV.
Nasaktan ang mag-asawang sakay ng isang motor, at ang Joyride rider at ang kanyang angkas.
Hinabol ng mga MMDA traffic enforcer ang SUV driver ngunit nagalit ito at kinalmot at sinakal pa ang isang traffic enforcer.
Sinira rin ng SUV driver ang uniporme ng MMDA traffic enforcer.
Tinangka namang awatin ng isa pang MMDA enforcer ang SUV driver, ngunit sinipa naman daw siya nito sa mukha, kuwento ng enforcer.
Ang mga nasaktan na MMDA traffic enforcer ay sina Dayrit at Charlon Bartolome, ayon sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Dito na pinosasan ang SUV driver.
Mahaharap sa mga kasong physical injury, attack of person in authority, at damage to property ang driver.
Agad namang tinulungan ng mga awtoridad ang mga biktima. —KG, GMA Integrated News
