Naglabas ng pahayag si Raymart Santiago sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado na sina Atty. Maria Concepcion Jimenez-Aquino at Atty. Katrin Jessica Distor-Guinigundo, matapos ipahiwatig ng kaniyang dating asawa na si Claudine Barretto, na sangkot siya, kasama ang personal assistant nitong si Marisol Acap, sa pagdukot umano sa kanilang mga anak.
Sa buong pahayag ni Santiago na ipinadala sa “Fast Talk with Boy Abunda” ngayong Lunes, mariing itinanggi ng aktor ang mga alegasyon ng kaniyang dating asawa.
Nabanggit din sa pahayag na batid ni Santiago ang mga nagdaang panayam sa kaniyang dating biyenan na si Inday Barretto kay Ogie Diaz, gayundin ang mga naunang panayam ni Barretto na inakusahan siya ng pang-aabuso at pagnanakaw.
"There is no truth to any of the allegations made, both in the past and recently, more so our client is not in any way or form involved in the kidnapping incident of his child with Ms. Barretto, if there is indeed any," saa nito.
Patuloy pa sa pahayag, sadyang umiiwas si Santiago, "from further addressing, dignifying, or responding to any of these statements as deference to the Gag Order issued by the court, which remains in full force and effect to this day. Our client respects the court and has faith that justice and truth will prevail in time."
Pinaalalahanan din ng mga abogado ni Santiago si Barretto na, "to refrain from weaponizing her influence, the media, and other platforms in discrediting the name and reputation of anyone especially our client."
"We also plead for the public to be more critical and discerning in their comments about the parties, especially when it involves private and sensitive family matters," patuloy ng kampo ng aktor.
Ayon sa “Fast Talk with Boy Abunda” ngayong Lunes, isang hindi pinangalanang source na malapit kay Barretto ang nagsabing naibalik na ang mga bata kay Barretto noong Sabado ng gabi—sa parehong gabing inakusahan niya si Acap sa pamamagitan ng Facebook Live, kasama ang ilan sa kaniyang mga tagahanga na tinawag na “Team Baliwag,” kaugnay ng umano’y pagdukot sa mga anak.
Sa naturang livestream, sinabi ni Barretto na humingi na siya ng tulong sa mga lokal na awtoridad upang mahanap si Acap.
"If in 15 minutes my children are not here, I am going to go after Marisol or Maria Solita Acap for kidnapping my children," saad ng aktres.
"My right hand, my PA, together with some fans, na-trace na po ng NBI [National Bureau of Investigation],” dagdag niya.
Sinabi ni Barretto kay Acap sa livestream na, “Kanina ka pa dapat sa Katipunan.”
“Inaantay ka na ng NBI dito. At sa lahat ng 'Team Baliwag,' whose loyalty is supposed to be mine, please come clean," patuloy niya.
"Bring my children now dahil huling-huling na kayo ng Team Baliwag group mo sa group chat with my Claudinians, slandering my name, destroying me and using my children, extorting money from my fans," dagdag ng aktres.
Sa parehong livestream, may tinukoy si Barretto na isang partikular na tao na umano’y gusto siyang saktan.
Hindi niya pinangalanan ang tao ngunit nagbigay siya ng pahiwatig.
"Nanay ako ng mga anak mo,” anang aktres. “If anything happens to me, especially sa fiesta ng General Santos, alam niyo na po, dalawang tao lang ang gumagalaw."
“At ikaw, malalaki na mga anak ko,” dagdag niya. “You want me dead? Dahil 'di kita binabalikan? Bring it on. Bring it on. Multuhin ka sana ng nanay at tatay mo.”
May dalawang anak sina Barretto at Santiago, at may dalawa ring adopted children ang aktres.
Nakipag-ugnayan umano ang “Fast Talk with Boy Abunda” kina Barretto at Acap para sa kanilang panig pero hindi pa sila tumugon. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

