Sa kabila ng mga pagsubok, ang mga Filipino ang lumitaw na pinakamasayang bansa sa mundo, batay sa 2022 End of Year Survey ng Gallup International Association (GIA).

Sa 34 na bansa na kasama sa survey, nakakuha ang Pilipinas ng net score na 75%. Kasama sa top 5 ang Mexico, Malaysia, Afghanistan, at Ecuador.

Samantala, 39% ng mga Pinoy ang puno ng pag-asa na mas magiging maganda ang hatid ng 2023 kaysa 2022. Mayroong 52% ang naniniwalang walang pagbabago, at limang porsiyento ang nagsabing mas malala ang posibleng mangyari sa susunod na taon.

Ang Nigeria at Pakistan ang top 2 na most hopeful nations sa mundo, na sinundan ng Kazakhstan (#3), Pilipinas (#4) at India (#5).

Lumalabas naman sa survey na mas nakararami sa mundo ang may pagdududa kung mas magiging maganda ang mangyayari sa 2023 dahil sa global average of optimism na -2%.

Ang mga bansa sa Europa ang "least optimistic" sa 2023. Ang Poland, Czech Republic, Serbia, France, at Italy, ang mga bansa na may pinakamababang  optimism number.

Samantala, halos kalahati ng mga Pinoy (49%) ang hindi kampante sa lagay ng ekonomiya ng bansa. Nasa 34% naman ang umaasa ng mas magiging malagong ekonomiya ng Pilipinas sa 2023.

Mayroon umanong sample size na 1,000 participants sa survey sa buong bansa, na sakop ang lahat ng socio-economic classes (ABCDE households), na 18-anyos pataas.

Ang survey ay isinagawa sa Pilipinas ng Philippine Survey and Research Center (PSRC), ang local representative ng GIA. — FRJ, GMA Integrated News