Natangayan ng cellphone ang isang TNVS driver matapos siyang umidlip sa loob ng kaniyang sasakyan sa Pasay City. Ang mga suspek, ginamit pa ang kaniyang social media account para manghingi ng pera.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing dinalaw ng antok ang driver na si "Joey" kaya itinabi niya ang sasakyan at sandaling natulog.
"Nakita ko nga 'yung emergency bay doon sa may Andrews Avenue, maliwanag, busy area pati, maraming dumadaan, kaya doon ako nag-decide na huminto," sabi ng driver.
Binuksan nang bahagya ni Joey ang bintana sa driver's side bago pumikit.
Pero habang natutulog, dalawang lalaki na ang umikot sa kaniyang sasakyan bago mag-3 a.m.
Dumikit ang mga suspek sa driver's side at doon kinuha ang cellphone ng biktima.
Tumagal sila ng ilang segundo bago umalis. Nang maalimpungatan si Joey, wala na ang kaniyang cellphone.
Natunton ni Joey ang kaniyang cellphone hindi kalayuan sa area pa rin ng Pasay.
Nakunan din sa CCTV ang dalawang suspek na naglalakad palayo matapos ang kanilang pagnanakaw.
Natukoy na ng mga awtoridad ang mga suspek, pero hindi pa nila ito nahahanap.
Nagkakahalaga ng higit P50,000 ang kaniyang cellphone, at nadismaya ang biktima dahil ito ang panghanapbuhay niya.
Ginamit pa ng mga suspek ang kaniyang social media account para manghingi ng pera sa kaniyang mga nasa friends list.
Payo ni Police Captain Michelle Sabino, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group, gumawa ng bagong social media account at mag-post ng disclaimer para hindi na makapanghingi ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
