Arestado ang isang lalaki na isang notorious umanong gunrunner, na may kinabibilangang grupo at sangkot din sa pagnanakaw sa Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng mga taga Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team ang entrapment operation laban kay Babymar Salatandol sa may kahabaan ng Mel Lopez Boulevard.
Mapapanood sa video na luminga-linga muna ang suspek mula sa kaniyang barong-barong bago hinarap ang isang police asset na nagpanggap na bibili ng baril.
Ilang saglit pa, inilabas na ni Salatandol ang .38 caliber na baril na nakasukbit sa kaniyang baywang.
Nang iabot ng asset ang pera sa suspek, sinalakay na siya ng mga operatiba.
Ayon sa pulisya, labas-pasok ang suspek sa kulungan at bumabalik sa pagbebenta ng baril.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na kasapi ang suspek sa isang gunrunning group, kung saan niya kinukuha ang mga binibenta niyang baril.
“Napag-utusan lang po ako sir. Wala lang po kasi akong pambili ng pangkain. Tsaka gipit po kami,” sabi ni Salatandol, na binabayaran ng P200 kada transaksyon.
Ito na ang ikaapat na kaso ng suspek, na nakulong na rin noong 2015, 2017 at 2019 dahil sa illegal possession of firearms, robbery-holdup at gunrunning. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News