Patay ang isang 13-anyos na babae matapos malunod sa breakwater ng Manila Bay sa Happyland sa Barangay 105 sa Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), napag-alamang nagkayayaang lumangoy sa dagat ang batang babae at ang 11-anyos nitong kapatid na lalaki, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB nitong Linggo.

Nang makitang nalulunod ang biktima, tinawag ng batang kapatid ang kanilang tiyuhin para humingi ng tulong.

Nasagip ang biktima at naisugod sa Tondo Medical Center ngunit hindi na siya umabot ng buhay.

Pinayuhan naman ng MPD ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak.

Ayon kay MPD director Police Brigadier General Andre Dizon, kahit tag-init na ay pinagbabawal pa rin ang maligo sa dagat sa lungsod.

Hindi pa rin ligtas ang paglangoy sa dagat sa Maynila, ayon na rin sa Department of Environment and Natural Resources. —KG, GMA Integrated News