Isang pulis ang nasawi habang sinusubukang iligtas ang kaniyang mga kasamahan mula sa pagkalunod matapos na pasukin ng tubig ang sinasakyan nilang bangka habang nagpapatrolya sa isang ilog sa Cadiz City, Negros Occidental.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Lunes, sinabing nagpapatrolya ang nasawing pulis na si Master Sgt. Fernando Marfa, 40, sa ilog sa Barangay Luna, kasama ang tatlong miyembro ng Bantay-Dagat team.
Pero bigla umanong pinasok ng tubig ang kanilang motorboat kaya napilitan silang tumalon sa ilog.
Gayunman, inanod ng malakas na agos ang dalawa sa mga kasamahan ni Marfa kaya sinubukan niyang languyin ang mga ito upang iligtas.
Sa kasamaang-palad, maging siya ay tinangay ng malakas na agos at nalunod.
“Ang dalawa, tinray [try] niyang tulungan at siya ay napunta sa area na malakas ang current,” ayon kay Police Lt. Daleen Grace Loreno, Deputy Chief ng Cadiz City Police Station.
Nakuha kinalaunan ang katawan ng pulis at dinala sa ospital pero hindi na siyang nailigtas.
Nakaligtas naman ang lahat ng kaniyang kasama. – FRJ GMA News
