Patay ang isang lalaking sakay ng kotse matapos siyang pagbabarilin ng salarin na bumaba naman mula sa isang SUV sa Sta. Cruz, Manila.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera, na sumakay sa driver side ng nakaparadang kotse ang biktima na nakilalang si Ronwaldo Lapidario.

Maya-maya pa, isang puting SUV ang biglang tumigil sa tabi ng kotse. Bumaba ang driver nito at pinagbabaril ang lalaking sakay ng kotse.

ADVERTISEMENT

Napalabas naman mula sa kotse ang isang babae na hindi naman nasaktan.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Nakakuha umano ang mga imbestigador ng 11 basyo ng bala mula sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Ayon sa pulisya, natunton ang SUV na inabandona sa isang bahay sa Quezon City.

Personal na alitan ang tinitingnan na anggulo ng mga awtoridad bilang motibo sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad ang suspek.  --FRJ, GMA Integrated News