Pahirapan ang pagsagip sa isang tow truck driver na naipit nang dumausdos ang hinihilang trailer truck sa Buendia flyover sa Pasay City habang sugatan rin ang driver ng trailer truck.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, nangyari ang insidente pasado 10 p.m. ng Lunes nang hindi kayanin ng dalawang tow truck ang trailer truck at madikdik sa gilid ng flyover.

Naipit ang dalawang paa sa nawasak na tow truck ng driver na si Angel Baniqued. Hinang-hina ang biktima nang abutan ng MMDA Road Emergency Group at Pasay City Rescue Team.

Sinabi ng MMDA Constable na first responder sa aksidente na 2 p.m. pa ng Lunes tumirik ang trailer truck.

Ipinagtaka ng traffic enforcer ng Pasay kung bakit sa Buendia flyover idinaan ang trailer truck gayung ipinagbabawal ito.

Naialis si Baniqued matapos ang halos apat na oras saka siya dinala sa ospital. Isinugod rin sa ospital ang sugatang driver ng trailer truck.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News