Patay sa pamamaril ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo ang isang 40-anyos na lalaki sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng hapon.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Roger Gereza, residente ng Barangay Gulod sa Novaliches.

Ayon sa pulisya, naglalakad si Gereza sa Villareal Street nang lapitan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at pinaputukan nang malapitan.

Isa pang lalaki na dumikit sa biktima bago mabaril ang pinaniniwalang suspek din sa krimen.

 

 

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Nicolas Torre III, posibleng may kinalaman sa krimen ang pagiging "asset" ni Gereza sa anti-illegal drug operation ng pulisya.

Naaresto naman ang isa sa tatlong suspek pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Patuloy na pinaghahanap ang dalawa pang suspek. --FRJ, GMA Integrated News