Iniulat na ikinukonsidera na ni LeBron James na magretiro sa basketball matapos walisin ng Denver Nuggets ang koponan niyang Los Angeles Lakers sa NBA playoffs.

Ayon sa Agence France-Presse, iniulat ng ESPN na pinag-iisipan na ng 38-anyos na NBA star ang pagreretiro nang makompleto ng Denver Nuggets ang 4-0 sweep kontra sa LA Lakers, at iselyo ng Nuggets ang pagpasok nila sa NBA Finals.

Matapos ang tagumpay ng Denver Nuggets, may makahulugang social media post si James patungkol sa gagawin niyang pahinga para alamin ang susunod na gagawin para sa kaniyang career.

Nang tanungin sa nagdaang season na naging all-time leading points scorer siya sa liga at halos madala sa NBA Finals ang Lakes, sabi ni James, "challenging" ang kanilang naging kampanya.

"I don't know. I think it was okay. I don't like to say it's a successful year because I don't play for anything besides winning championships at this point in my career," ani James, na kumamada ng 40-point para sa Lakers na yumuko sa iskor na 113-111 kontra Nuggets.

"I don't get a kick out of making a Conference (finals) appearance. I've done it, a lot. And it's not fun to me to not be able to be a part of getting to the Finals," patuloy niya.

"But we'll see. We'll see. We'll see what happens going forward. I don't know. I've got a lot to think about to be honest," ani James. "Just for me personally, going forward with the game of basketball, I've got a lot to think about."

May pinirmahang two-year contract extension si James sa Lakers noong Agosto para manatili sa koponan sa 2024-2025 season.

Una nang sinabi ni James na nais pa niyang magtagal sa basketball sa pag-asang makasama niya sa hardcourt ng NBA ang kaniyang anak na si Bronny James.

Naglalaro ngayon si Bronny sa college basketball sa University of Southern California, at posibleng makapasok sa NBA para sa 2024-2025 season. 

Sa kaniyang pahayag matapos ang laban sa Nuggets, ipinahiwatig ni James ang tindi ng kaniyang 82-game season sa NBA.

"For me, it's all about availability for me and keeping my mind sharp and things of that nature, being present on the floor, being present in the locker room and bus rides and plane rides, things of that nature," ani James. "It's challenging." AFP/FRJ, GMA Integrated News