Nananatiling single pa rin ngayon si Bulacan Governor Daniel Fernando, at ilang celebrity ang nauugnay sa kaniya tulad ni Kim Rodriguez. Totoo nga bang may relasyon o nagkaroon ng relasyon ang dalawa? Alamin ang sagot ng actor-turned-politician.

Sa latest episode ng Kay Susan Tayo vlog ni Susan Enriquez, binalikan ang pagsisimula ni Daniel bilang artista bago siya pumalaot sa mundo pulitika. Kabilang sa mga nagawa niya ang ilang sexy movies gaya ng orihinal na “Scorpio Nights.”

Kaya naman inusisa na rin ni Susan kung may katotohanan ba na may ilang celebrity ang naugnay sa kaniya gaya ni Kim, na napaulat na binilhan niya ng sasakyan at binigyan ng kung ano-ano.

Gayunman, itinanggi ito ng gobernador.

“Ni-link nila noong eleksyon [sa akin]. Ang daming paninira sa akin eh. Sobra,” giit niya. “Binigyan ko daw ng kotse, binigyan ko daw ng ganito, hindi naman totoo.”

Hindi naman itinanggi ni Daniel na kilala niya at nakaharap na niya si Kim dahil sa pagiging artista nilang pareho.

Ayon gobernador, hindi niya naging nobya si Kim, at inilarawan ang aktres bilang kaniyang “female friend,” na pag-iwas na gamitin ang salitang “girl friend.”

Itinanggi rin ni Daniel ang umano’y relasyon niya sa isang radio news anchor na umano’y sugar baby niya at binigyan din ng sasakyan, at diamond ring.

“Naku po hindi naman totoo lahat ‘yan,” giit niya sabay sabing tsismis lang ang lahat.

Nang tanungin kung may plano pa ba siyang mag-asawa, tugon ni Daniel, “Bahala na ang Diyos. Lahat kasi ng galaw ko sa buhay ngayon pinapasa-Diyos ko.” – FRJ GMA News