Patay ang dalawang lalaki matapos silang pagbabarilin ng riding in tandem habang sakay sila ng kotse sa panulukan ng Edsa-Timog Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ng saksi na hinarang ng mga salarin ang mga biktima na nakasakay sa puting kotse at pinagbabaril dakong 3:00 pm.
Nagkalat ang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Nadala pa sa East Avenue Medical Center ang mga biktima habang tumakas naman ang mga salarin na sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Cubao.
Sa hiwalay na ulat mula sa DZBB, sinabing sinabing pumanaw na dakong 5:00 pm ang driver ng kotse at inooperahan naman ang kasama niya.
Isa sa dalawang pinagbabaril sa Timog Avenue, QC, binawian na ng buhay, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Randy Glenn Silvio; nasa operator room naman ang isa pa na sakay ng puting sasakyan na pinagbabaril kaninang hapon | via @glenjuego pic.twitter.com/400FERNM3u
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 28, 2026
Sa ulat naman ng Saksi, inihayag na pumanaw na rin sa ospital ang ikalawang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at may binuo nang task group para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, at motibo sa krimen. — FRJ GMA News
