Isang babae ang nasawi habang apat ang sugatan sa salpukan ng tatlong motorsiklo sa Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, naganap ang insidente sa madilim, pababa at pakurbang bahagi ng nasabing highway sa Barangay Sampaloc, bandang 11 p.m. nitong Linggo.
Isang big bike, isang scooter, at isang underbone motorcycle ang nagkarambola.
"Based on our initial investigation, nangyari po rito ay nag-overshoot itong big bike. And then while in sharp curve portion ng kalsada, doon po bumangga sa motorsiklo na scooter itong big bike. And then sumunod po itong isang underbone na motorsiklo, na bumangga naman doon sa big bike," ayon kay Corporal Kervin Librea, investigator ng Tanay, Police.
Tumilapon ang dalawang angkas at babaeng rider ng scooter.
Dead on the spot ang isa sa mga angkas ng scooter matapos mapuruhan sa ulo, habang nagtamo ng minor injuries ang dalawa niyang kasama, ayon sa mga awtoridad.
Humandusay naman sa highway at nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga lalaking rider ng big bike at underbone motorcycle.
"Napag-alaman din namin na ang scooter ng motorsiklo ay 'yung tatlong sakay ay walang suot na helmet," sabi ni Librea.
Dinakip ng pulisya ang 27-anyos na rider ng big bike, na sinabing namasyal sila sa Infanta, Quezon at pauwi na sana sa Pasay nang maganap ang sakuna.
"Nag-slide 'yung gulong ko, then 'yun 'yung pagka-hit sa nakasalubong po. Doon sa kaanak po, maraming pasensiya na po talaga dahil hindi ko talaga inasahan na mangyayaring ganiyan kasi aksidente nga po. Sorry kung nawalan silang mahal sa buhay po," sabi ng rider ng big bike.
Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and damage to property ang rider.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng panig ang kaanak ng nasawing biktima pero tumanggi sila.
Kasalukuyang nagpapagaling ang mga nakaligtas sa aksidente. — Jamil Santos/ VDV GMA News
