Nasabat ng mga awtoridad ang aabot sa P2.7 milyong halaga ng umano'y shabu mula sa isang mag-asawa sa Maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni Darlene Cay na nagpositibo ang drug buy-bust operation laban sa mag-asawang suspek.

Isinagawa ang anti-drug operation sa panulukan ng Madre Ignacia Street at Quirino Avenue.

"Sa tulong ng ating pamayanan, nakakuha po tayo ng information tungkol sa mga nagbebenta ng droga dito sa area natin," pahayag ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol.

Nakuha sa mag-asawang suspek ang mahigit P2.7M na halaga ng hinihinalang shabu.

Parehong itinatanggi ng mag-asawa na nagbebenta sila ng droga. Napag-utusan lamang daw sila at ang inuutang daw nilang P10,000 ang kapalit nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy kung sino ang mga kasabwat ng mag-asawa. —LBG, GMA Integrated News