May aasahan na bawas-presyo sa gasolina ang mga motorista sa susunod na linggo. Pero malungkot na balita naman sa mga gumagamit ng diesel dahil magkakaroon ito ng pagtaas sa presyo.
Batay sa resulta ng kalakalan ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average ng palitan ng salapi sa nakalipas na apat na araw, inihayag ng isang source mula sa industriya ng langis ang tinatayang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo:
- Diesel - P4.00 to P4.50 per liter (hike)
- Gasoline - P1.00 to P1.50 per liter (rollback)
“Crude oil and refined fuel products prices have rallied this week on worries of stalled diplomacy and prolonged supply disruption following the suspension of negotiations on the peace deal, and renewed threats by Iran of full closure of the Strait of Hormuz. Concerns that global oil inventories could hit critical levels if stock draws continue at the current pace further contributed to the bullish sentiment,” ayon sa source.
Gayunman, sinabi rin ng source na ipinapakita ng mga paunang datos na posibleng bumaba ang presyo ng MOPS sa kalakalan ngayong Biyernes, na maaaring magdulot ng mas mababang pagtaas ng diesel kumpara sa unang pagtaya, at posibleng mas malaki rin ang matapyas sa presyo ng gasolina.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipinatutupad ito kinabukasan ng Martes.
Ngayong linggo, nagkaroon ng malakihang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo. Umabot sa P4.76 per liter ang nabawas sa presyo ng gasolina, P9.26 sa diesel, at P10.86 sa kerosene. — FRJ GMA News

