Inihayag ni Heart Evangelista ang kaniyang pasasalamat sa bagong oportunidad na natanggap niya bilang host ng pinakabagong GMA original game show na “The People Have Spoken.”
“I think it's great na after, I don't know what, 28 years? I get to play different roles. I get to do many things. That's the nice thing about life. Well, the life that we choose to live. It's very random,” saad ni Heart sa isang panayam sa Kapuso Showbiz News.
Ayon kay Heart, marami siyang mga kaabang-abang na sorpresa para sa viewers ng naturang game show.
“So I feel like I'm very grateful and blessed that after 28 years, at the end of the day, I have work. And marami akong energy. So dito niyo makikita ‘yung energy ko,” saad ng aktres.
Makakasama ni Heart bilang host si Sean Lucas, pati na rin sina Joy Barcoma at Baus Rufo bilang "celebri-peeps" sa bagong Kapuso Show.
Isang bagong orihinal na Pinoy game show ng GMA Entertainment Group ang "The People Have Spoken.” Ipalalabas ito sa Sabado, Hunyo 6, ng 6:15 p.m. sa GMA Network.
Itatampok sa palabas ang 100 miyembro ng studio audience, na sasagot sa mga tanong tungkol sa iba't ibang paksa at isyu. Susubukan ng mga celebrity contestant na hulaan ang mga sagot ng mga tao. – FRJ GMA News
