Muling ipinagtanggol ng dating kongresista na si Mike Defensor ang 18 na dati umanong mga sundalo, at Marines, at itinanggi ang mga alegasyong tinuruan lamang sa kanilang sasabihin sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano, na iginiit na siya pa rin ang Senate President.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ni Defensor na naglahad lamang ng kanilang personal na nasaksihan ang mga dating sundalo, at sumagot sa mga tanong na ibinato sa kanila sa pagdinig patungkol sa usapin ng paghahatid ng mga maletang may lamang pera sa ilang mambabatas, na may kaugnayan sa flood control issue.

"Ang mga Marino, ang mga sundalo, nagsasabi lang noong kanilang nakita, noong kanilang ginawa. Kung anong tanong sa kanila ng komite o korte later on, 'yun lang din nasasabi nila," ani Defensor.

Sinabi rin niya na may mga pagtatangkang pigilan ang mga dating sundalo na ilantad sa publiko ang kanilang mga nalalaman.

Ibinasura rin ni Defensor ang mga akusasyong nagbago sila ng salaysay, nakikialam sa pulitika, at sumusuporta sa pamilyang Duterte.

Sa kanilang testimonya, inakusahan ng mga dating sundalo ang ilang personalidad na tumanggap ng komisyon o “kickback” mula sa mga proyektong flood control, kabilang sina Vicente Sotto III, Erwin Tulfo, at dating senador na si Antonio Trillanes IV.

Idinawit din nila ang ilang mambabatas mula sa Kamara de Representantes, kabilang sina dating Speaker Martin Romualdez, ML Party-List Rep. Leila de Lima, at dating kongresista na si France Castro.

Itinanggi ng mga nasabing mambabatas ang mga paratang laban sa kanila.

Nagpahayag naman si Tulfo ng pagdududa kung bakit hindi na binanggit ng mga umano’y dating sundalo sa kanilang testimonya noong Huwebes sina Senador Loren Legarda at Mark Villar, gayong kasama umano ang mga ito sa kanilang mga sinumpaang salaysay o affidavit noon.

Bakit ‘di binanggit?

Nang tanungin kung bakit hindi na nila binanggit sina Legarda at Villar na kabilang sa mga umano’y tumanggap ng mga maletang puno ng pera, sinabi ni Defensor: "Ito po ay katotohanan na sinabi ng mga sundalo. Kunwari ngayon, tinatanong niyo ako, kung ano itanong niyo sa akin, 'yun ang sasagutin ko. So hindi naman ibig sabihin may tinatago ako. Hindi naman ibig sabihin may ayaw akong palabasin."

Itinanggi rin niya ang mga alegasyong may kaugnayan siya sa umano’y panggigipit sa mga mambabatas upang suportahan ang mga reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Nauna nang sinabi ni Palawan Rep. Jose Alvarez na posibleng nadawit siya sa umano’y tumanggap ng pera dahil tumanggi siyang suportahan ang reklamong impeachment laban kay Marcos na inilapit sa kaniya ni Defensor.

Ayon kay Defensor, ang pagkakaroon niya ng kaugnayan sa mga dating sundalo ay nag-ugat sa kaniyang pagsuporta sa mga whistleblower, kabilang si Orly Guteza.

Itinanggi rin niya na may personal siyang galit kay Marcos. Aniya, balak na sana niyang umiwas sa pulitika at magpokus na lamang sa kaniyang mga negosyo.

Naunang sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 nagpakilalang sundalo ay hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Navy o ng Philippine Marine Corps.

Ayon ng Philippine Navy, na karamihan sa mga nagpakilalang mga sundalo ay natanggal na sa serbisyo nang may kaparusahang dishonorable discharge dahil sa mga nagawang kasalanan. — FRJ GMA News