Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin sa tabi ng kaniyang tricycle sa Alabang, Muntinlupa. Suspetsa ng kaniyang misis, may kinalaman ito sa negosyo nila sa pagpapautang.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Allan Asis, 50-anyos, na dead on the spot nang barilin bandang hatinggabi sa labas ng kaniyang bahay sa Mariategue Compound.

Ayon sa kaniyang asawa na si Leonora Asis, kauuwi lang nila noon sakay ng tricycle na minamaneho mismo ng biktima.

Papasok na ang ginang nang makarinig siya ng tatlong magkakasunod na putok, kaya agad siyang lumabas para tingnan ang nangyari.

Hindi maisip ng ginang kung sino ang gumawa nito sa kaniyang asawa, ngunit posibleng may kinalaman ito sa negosyo nilang pagpapautang.

Dagdag pa niya, walang kaaway ang kaniyang asawa.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang Muntinlupa Police habang patuloy ang imbestigasyon sa krimen. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News