Nasa 21 tao na sakay ng isang pampasaherong bangkang de motor ang nasawi nang lumubog ito sa Laguna de bay habang papunta sa Talim Island na bahagi ng Binangonan, Rizal nitong Huwebes ng hapon.

Sa panayam ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, na nangyari ang trahediya dakong 1:00 p.m.

Ayon sa opisyal, 51 tao ang nakatalang sakay ng bangkang de motor na Princess Arya. Nasagip ang 30 sa kanila.

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagkaraoon ng malakas na hangin habang nasa biyahe ang bangka.

Sa takot umano ng mga pasahero, nagpuntahan ang mga sakay nito sa kaliwang bahagi ng bangka na dahilan ng pagtagilid at kinalaunan ay dahan-dahang lumubog.

Pinayagang bumiyahe ang bangka dahil wala nang umiiral na bagyo.

Bagaman hindi overloaded ang bangka, sinabi ni Balilo na aalamin ng PCG kung bakit hindi nakasuot ng life jacket ang mga pasahero.

“Dapat po mayroon silang life jacket at ‘yan po ay pinapa-check na natin…Inuuna lang natin ang rescue operations at paga-account ng bodies. Titingnan natin ‘yung mga na-rescue rin," ayon kay Balilo.

"Kumukuha rin tayo ng statements. May instruction na po si Admiral Abu, ang aming commandant, na tingnan kung ano ang puno’y dulo ng insidente,” dagdag niya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabing nasa 45 metro na lang umano ang layo ng bangka sa kalupaan nang mangyari ang malakas na ihip ng hangin.— FRJ, GMA News