Hinahanap ngayon ang isang pasahero ng isang cruise ship matapos itong mahulog mula sa barko habang patungo sa Singapore.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng Maritime and Port Authority ng Singapore na sakay ng Spectrum of the Seas ang pasahero na naglalayag sa Singapore Strait nang mangyari ang insidente.
Pinapangunahan umano ng Maritime Rescue Coordination Centre ang search and rescue operation para mahanap ang pasahero.
Nakikipagtulungan naman ang crew ng Cyprus-flagged ship, ayon sa MRCC.
Ayon sa Royal Caribbean International, operator ng cruise ship, kumilos kaagad ang mga crew nang barko para mahanap ang pasahero.
"The ship has since been cleared by the authorities and sailed as scheduled on Monday evening," sa pahayag nito.
Hindi nagbigay ng ibang detalye ang operator tungkol sa nahulog na pasahero dahil sa "privacy" at respeto sa pamilya nito.
Batay sa itinerary ng barko, nakatakda itong umalis ng Singapore sa Lunes para sa 12-night cruise sa Japan.— AFP/FRJ, GMA Integrated News

