Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isyuhan ng tiket ang mga rider ng motorsiklo na sisilong sa ilalim ng mga overpass at flyover kapag malakas ang ulan. Tinawag naman ito ng isang party-list solon na hindi makatao.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinaalala muli ng MMDA na bukod sa nakasasagal sa daloy ng trapiko ang pagkukumpulan ng mga rider sa daanan ng mga sasakyan, nagdudulot ito ng peligro dahil puwedeng pagmulan ng aksidente.
“Kapag malakas ang ulan, mahina ang visibility. Kapag nandun sila sa ilalim ng mga footbridges, napakalaking porsiyento na magkaroon ng aksidente,” sabi ni MMDA spokesperson Vic Nuñez.
Sa monitoring center ng MMDA nitong Martes, nakita na sinakop ng mga sumisilong na rider ang tatlong linya ng kalye sa northbound lane sa Cubao sa EDSA na dahilan para magkaroon ng pagbagal ng daloy ng mga sasakyan.
Nag-alisan ang mga rider nang makitang may paparating na mga tauhan ng MMDA.
Hindi naman sang-ayon ang ilang rider sa ipinatutupad na patakaran ng MMDA.
"Hindi naman po tama 'yun. Kasi katulad ng biglaan na pag-ulan. Siguro 'yung mga tumitigil talaga, kasi nagta-traffic talaga," ayon sa isang rider na nasa gilid ng daan.
Sa isang privilege speech, tinawag ni 1 Rider party-list Representative Bonifacio Bosita na hindi makatao ang naturang patakaran ng MMDA.
"Itinutulak nila sa kapahamakan ang mga riders na walang kapote dahil bibilisan ang pagmomotor para sumilong," anang mambabatas.
"Hinihiniling sa pangulo ang proteksyon laban sa di makataong pinapatupad ng MMDA," dagdag niya.
Ayon sa MMDA, nakikipag-usap sila sa mga gas station owner upang maglagay ng tent na puwedeng silungan ng mga rider kapag malakas ang ulan.—FRJ, GMA Integrated News
