Ibinahagi ni Sanya Lopez na nasorpresa siya matapos makatanggap ng promise ring mula sa kaniyang non-showbiz boyfriend.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa "Your Honor," ikinuwento ni Sanya kung paano ibinigay sa kaniya ng nobyo ang diamond ring, na kaniyang unang ipinakita sa "Fast Talk With Boy Abunda."
"Nasa coffee shop kami nu’n eh, parang sasakyan naka-park na lang kasi mahilig siya drive thru talaga sa favorite niyang coffee shop," kuwento ng Sparkle star.
"Marami pa kong daldal kasi ang dami kong kuwento nu’ng time na 'yun, na parang kung anong nangyayari sa life ko," sabi pa niya.
Hanggang sa bigla na lamang iniabot sa kaniya ng nobyo ang singsing, bagay na hindi niya inaasahan.
"Hindi siya biro," sabi ni Sanya. "Kasi 'yung binigay niya kasi hindi basta-basta."
Sinabi ni Sanya na exclusively dating sila ng kaniyang nobyo at nagpasya silang isa-pribado ang kanilang relasyon.
"It's a mutual decision," sabi niya. "Napag-usapan na naman one time, what if makita na lalabas kami? OK lang naman na makita kami ng iba."
"Pero 'yung ipapakilala ko siya, hindi na," ani Sanya. "Mas gusto ko rin 'yung tahimik, iba rin 'yung life kapag walang sobrang nakikialam."
Bumida si Sanya kamakailan sa "Encantadia Chronicles: Sang'gre" bilang si Danaya. Napanood ang huling episode nito noong Biyernes.
Bibida si Sanya sa upcoming film na "Midnight Girls" kasama sina Jodi Sta. Maria, Loisa Andalio, at Jane Oineza. — FRJ GMA News
