Dalawa ang patay at isa ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang transaksyon ng mga biktima upang bumili umano ng mga alahas sa Barangay Poblacion 8, Midsayap, Cotabato nitong Lunes, Mayo 11, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakipagtransaksyon ang mga biktima sa mga ahente na nakabase sa Lanao del Sur para bumili ng mga alahas.
Pero nang matapos ang transaksyon, pinagbabaril umano ng mga suspek ang mga biktima at kinuha rin ang mga alahas.
Nahulog pa ang sinasakyan ng mga biktima sa sapa at kinailangan ng mga residente na basagin ang salamin sa bintana para mabuksan ang pintuan nito at makuha sila mula sa loob.
Nakita sa loob ng sasakyan ang driver na patay na, habang pumanaw habang dinadala sa ospital ang isa pa. Sugatan pero nakaligtas naman ang isa pa.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang hinahanap ang mga suspek. – FRJ GMA News
