Nagbitiw sa kaniyang puwesto si Office of Transportation Security (OTS) Administrator Ma. O Ranada Aplasca. Kamakailan lang, ilang tauhan ng OTS ang inaakusang sangkot sa pagkuha ng gamit o pera sa ilang pasahero sa airport.

Nitong Martes ng gabi, kinumpirma ni Transportation Secretary Jaime Bautista na nagsumite ng kaniyang resignation letter si Asplasca.

Nangyari ang pagbibitiw ni Aplasca isang araw makaraang magbanta si House Speaker Martin Romualdez na haharangin niya ang pag-apruba sa pondo ng OTS at DoTR para sa 2024 kapag hindi umalis sa puwesto ang naturang opisyal.

Napuno na si Romualdez sa OTS sa harap ng lumabas na ulat na isang tauhan nito ang hinihinalang kumain ng nawawalang $300 ng isang pasahero.

BASAHIN: OTS staff sa NAIA, tsokolate raw ang isinubo at hindi perang dolyar

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Aplasca na batay sa affidavit na isinumite ng naturang tauhan, tsokolate umano at hindi pera ang kaniyang isinubo, bagay na hindi raw nila pinapaniwalaan.

Sa kabila nito, sinabi ni Romualdez na nakakasawa na ang paulit-ulit na pagkakasangkot ng mga tauhan ng OTS sa nangyayaring pagnanakaw sa mga pasahero.

BASAHIN: OTS screening officer sa NAIA, sinibak matapos manguha umano ng gamit ng pasahero

“We cannot let these atrocious activities and other acts of misconduct at the airport to continue to take place. It’s bad for the country and the economy,” ayon kay Romualdez. —FRJ, GMA Integrated News