Patay na nang matagpuan ang isang batang lalaki na isang linggo nang nawawala sa madamong bahagi ng isang palayan sa Butuan City.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing natagpuan ang bangkay ng dalawang-taong-gulang na bata sa Purok 3, Barangay Camayahan nitong Miyerkoles.
Hindi napigilan ng ina ang kaniyang pag-iyak nang matagpuan ang labi ng kaniyang anak, na ayon sa mga awtoridad ay nagsisimula nang maagnas.
Ayon sa Butuan City Police, nakita ang bangkay ng bata sa layong dalawang kilometro mula sa kanilang tirahan.
Kuwento ng ina sa pulisya, nagwawalis siya sa labas ng kanilang bahay noong July 23, at nasa loob naman ang kaniyang anak. Hanggang sa napansin niya na nawawala na ang bata.
Hinanap umano nila ang bata, kasama ang mga kapitbahay pero nabigo silang matagpuan ito.
Ayon kay Police Major Ian Gilbert Lodonia ng Butuan City Police Station 4, kinumpirma ng pamilya ng bata na ito ang natagpuang bangkay.
Dahil sa nagsisimula nang maagnas ang katawan, hindi na kaagad matukoy ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng pulisya kung ano ang maaaring nangyari sa bata.
Ayon sa pulisya, pumayag ang mga magulang ng bata na isailalim sa awtopsiya ang bangkay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente kung papaano nawala ang bata at ano ang nangyari sa kaniya.—FRJ GMA News
