Agaw-pansin sa Navotas ang isang malaking “barko” na nasa gitna ng mga kabahayan. Ano nga ba ang nasa loob nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok ang M/S Noah, na paandar ng pamilya ni Isaac De Guzman. Ang “barko,” hindi totoong barko kung hindi gusali na may laman sa loob na restaurant, events place na may spa, manicure at pedicure.

“Ang building talaga na ito, hugis barko lang siya. Pero actually, hindi siya tunay na barko. Pero 'yung techniques, saka 'yung materyales na ginamit, pang-barko talaga,” ayon kay Isaac.

“Perfect endorser” ng barko ang mismong tubig-baha sa lugar.

“Isang beses, may nag-post, na-picture-an, natiyempuhan, may baha sa baba. Nag-viral naman ngayon. Kasi bakit daw may barko na katabi ng mga bahay?” sabi ni Isaac.

“Naging blessing din, in a way, natumbok siya. Kasi nagawa namin siya ng hugis na barko. Na 'yung place na walang may gusto dati, biglang ngayon, tinitingnan na ng lahat 'yung location,” dagdag niya.

Kaya gaya ng isang cruiseship, all-in ang puwedeng gawin sa M/S Noah na may serbisyong spa, manicure, pedicure at sauna.

Pagdating sa pagkain, alok ng M/S Noah ang samgyupsal sa halagang P559.

“Ang pinakamalaking learning experience sa akin is 'yung sa sense of community talaga. Sobrang naging malaking eye-opener lang din para sa akin na sobrang daming ways na makatulong. Hindi lang 'yung sa family namin 'yung naging opportunity 'yung barko na ito, but sa buong barangay namin at sa buong community din namin as a whole,” sabi ni Isaac. – FRJ GMA News