Nasawi ang dalawang lalaki matapos silang pagbabarilin ng isang pulis na pumasok sa kanilang bahay sa Barangay Acacia, Malabon. Ang krimen, nasaksihan pa ng dalawang menor de edad.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, isinalaysay ng nanay ng biktima na nakita niyang pumasok ang suspek sa kanilang bahay saka pinagbabaril ang kaniyang anak at dalawa niyang kasama.

Nasaksihan pa ang pamamaril ng dalawang menor de edad niyang apo.

Dead on the spot ang dalawang lalaki, at sugatan ang babaeng kanilang kasama bago ito isinugod sa ospital.

Nakunan sa CCTV footage ang pagtakas ng gunman, na nadakip sa follow-up operation.

Kinumpirma ng NCRPO na pulis ang salarin, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.

Humiling ang ina ng biktima para sa hustisya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News