Naaresto ng mga awtoridad sa Quezon City ang isang panadero na sumaksak umano sa kaniyang kinakasamang babae sa Mandaluyong at sa kapitbahay na lalaki na umano'y nahuli niyang kasiping ng babae.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder na itinago sa pangalang "Toto," 34-anyos.
Ayon sa pulisya, idinahilan umano ni Toto na nagdilim ang kaniyang paningin nang mahuli niyang nagtataksil sa kaniya ang kaniyang kinakasama.
“Pagdating niya sa bahay nung gabi, galing sa trabaho, inabutan niya ang ka-live-in niya hubo't hubad, may kasamang lalaki sa bahay nila mismo,” sabi ni Police Major Raul Salle, SOU-EPD Chief.
Hindi nagpaunlak ng panayam sa GMA Integrated News ang suspek pero sinabi umano nito sa pulisya na kinutuban siya sa ikinikilos ng kaniyang kapitbahay na lalaki.
Kaya naman nang araw na mangyari ang krimen, umuwi umano nang maaga ang suspek.
“Nung makita niya ang pangyayari na ‘yun, nagdilim daw ang paningin niya, kumuha siya ng kutsilyo, pinagsasaksak niya itong lalaki. Tinamaan pati ang kaniyang ka-live in,” sabi ni Salle.
Ayon sa pulisya, itinanggi ng babae ang alegasyon na may nangyari sa kanila ng kaniyang kapitbahay. Wala rin umano silang relasyon.
Nais umano ng babae na maiurong na ang kaso laban kay Toto para makapagsimula silang muli. —FRJ/KG, GMA Integrated News
