May pag-asang maging multi-milyonaryo ang mga tumataya sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil may draw ng Superlotto 6/49 at Ultra Lotto 6/58 ngayong Martes, Nobyembre 21, 2023, na ang pinagsamang premyo ay aabot sa mahigit P289 milyon.

Umaabot na sa P150,866,428.60 ang premyo sa Superlotto 6/49 matapos na walang manalo sa draw noong Linggo, na ang lumabas na mga numero ay 16-24-19-35-47-15.

Samantala, P139,853,615.80 naman ang premyo sa Ultra Lotto 6/58, nang wala ring nakahula sa lumabas na mga numero nitong Linggo na 44-55-43-01-23-26.

Mayroong ding Lotto 6/42 draw sa Martes na nagkakahalaga naman ng P7,688,392.80 ang jackpot prize.

Wala ring tumama sa draw nitong Sabado na ang lumabas na mga numero ay 18-21-20-36-35-07.

Sa draw naman na ginawa nitong Lunes, Nov. 20, wala ring tumama sa Grand Lotto 6/55, na ang lumabas na mga numero ay 38-17-27-33-42-48, at may premyong P29,700,000.00.

Wala ring nanalo sa kasabay nitong draw na Megalotto 6/45, na ang lumabas na mga numero ay 06-31-32-27-44-08, at may jackpot prize na P26,404,316.80. --FRJ, GMA Integrated News