Nasawi ang isang lalaki na dati na umanong sangkot sa droga matapos siyang pagbabarilin ng tatlong gunman habang nakikipag-inuman sa Pasay City.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ronron Uy, na nakikipag-inuman kasama ng isang grupo sa Decena Street, Barangay 94 pasado 11 p.m. ng Lunes.

Maya-maya, may dumaan na tatlong lalaki, nilampasan ang mga nag-iinuman at dumiretso sa isang eskinita.

Saglit na nag-usap-usap ang mga lalaki bago bumalik sa grupo.

Dalawang lalaki ang nauna. Pagtapat nila sa mga nag-iinuman, sabay na nilang pinagbabaril si Uy.

Matapos nito, agad tumakbo ang dalawang gunman.

Naniguro naman ang huling lalaki na nakasuot ng itim at muling binaril ang biktima habang nakahandusay na.

Ilang lalaki naman ang pumalo sa huling gunman kaya siya nadapa, ngunit nagawa pa rin niyang makatakbo.

Nagtamo ng 10 bala sa katawan si Uy.

Base sa Pasay City Police, posibleng may kinalaman sa droga ang pamamaril, dahil dati nang dawit sa droga ang biktima.

Nasangkot din sa ibang krimen ang biktima.

Patuloy ang follow-up operation ng Pasay City Police para maaresto ang mga gunman.

May hawak na ring impormasyon ang pulisya tungkol sa isa sa mga gunman, ngunit bineberipika pa ito.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Sugatan naman ang isa pang tao matapos tamaan sa balikat, ngunit nasa ligtas na siyang kalagayan ngayon. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News