Timbog ang isang lalaki sa Maynila matapos niyang makailang ulit umanong gahasain ang mga menor de edad na kapatid ng kaniyang dating nobya.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, lumabas sa imbestigasyon ng kapulisan na nagsimula ang pang-aabuso ng suspek sa mga biktima noon pang 2022.

Gayunman, noong isang taon lamang natuklasan ng pamilya ng mga biktima ang ginawang pang-aabuso umano ng lalaki.

Nang isailalim sa medico legal ang mga bata, doon nakumpirmang nagahasa sila.

Mariing itinanggi ng suspek ang mga paratang, at iginiit na na-brainwash lamang ng kaniyang ex ang mga bata.

Nakabilanggo sa Malate Police Station ang akusado, na nahaharap sa patong-patong na reklamo. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News