Duguan ang isang lalaki na nangungupahan sa isang condominium matapos siyang pagbabarilin ng mga de-motorsiklong salarin sa Dapitan Street, Pasay City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita, sinabing nangyari ang insidente bandang 2 a.m. nitong Biyernes.

Hindi na nakunan sa CCTV ang aktuwal na pamamaril, ngunit nahagip ang pagtakas ng tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.

Ayon sa isang saksi, hindi na niya naaninag ang mga mukha ng salarin pero nakasuot ng jacket ang isa sa mga ito.

Sinabi ng pulisya na nangungupahan ang biktima sa isang condominium sa lugar. Matapos bumaba ng sasakyan, dito na siya pinagbabaril ng gunman.

Nagawang makatakbo ng biktima patungo sa loob ng condominium at hindi na sumunod ang mga salarin.

Nadala sa ospital ang lalaki at maayos na ang kaniyang lagay.

Nakuha sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng 9mm caliber na baril, at tinamaan din ng bala ang ilang nakaparadang sasakyan.

Patuloy ang ginagawang backtracking ng Pasay City Police upang tuluyang matunton ang mga salarin sa krimen, at kung ano ang motibo nila sa pamamaril. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News