Isang taxi driver ang hinoldap ng kaniyang pasahero sa Pasay City. Ang naarestong suspek, nagpanggap pa umanong pulis nang mahuli ng taumbayan.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, ipinakita ng biktimang taxi driver ang kaniyang sira-sirang damit at natamong sugat sa tagiliran bilang ebidensya ng pangho-holdap sa kaniya ng pasahero.
Ayon sa taxi driver, sumakay ang suspek sa Pasay Rotonda.
Habang nasa biyahe, tinutukan na siya nito ng kutsilyo, at pilit na kinukuha ang kaniyang cellphone at pera.
“‘Yung cellphone ko nasa dashboard. ‘Akin na ‘yung cellphone,’ ika niya. Gumagana naman ‘yung isip ko. Sabi ko, ‘Hawak mo ako eh. Paano ko maaabot? Tsaka naka-seatbelt ako.’ ‘Sige na, bilisan!’ Tinutukan niya ako. ‘Tutuluyan kita,’ ika niya,” kuwento ng biktima.
Saktong may dumadaang dalawang tao, kaya binuksan niya ang kaniyang pinto at kinuha ang kanilang atensyon.
Dahil dito, tumakbo ang suspek kaya sinundan siya ng biktima, na muling nakasakay ng kaniyang taxi.
“Binababa ko ‘yung bintana ko, binuksan ko habang tumatakbo. Nagsisigaw na ako ng ‘Hold up, hold up! Tulong!’” anang biktima.
Naalerto ang taumbayan kaya hinabol din nila ang lalaki, na bugbog ang inabot nang makorner.
Saad pa ng biktima, nagpakilala pa umanong pulis ang suspek nang bugbugin siya ng taumbayan.
Sinabi ng barangay na madalas talaga ang mga holdapan sa lugar.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.
Na-recover sa suspek ang kutsilyong kaniyang ginamit umano sa panghoholdap, at ang cellphone at pera ng taxi driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng Pasay City Police sa insidente. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News