Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking 19-anyos dahil sa panggagahasa umano sa kaniyang pitong-taong-gulang na kapatid sa Marikina City. Ang biktima, hinalay din daw ng kaniyang pinsan at tiyuhin.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, dinakip sa bisa ng arrest warrant ang kapatid ng biktima na itinago sa pangalang “Tugo” habang nasa isang meat shop sa Marikina.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek.

Itinanggi naman ni Tugo ang akusasyon laban sa kaniya.

“Wala ako nang mangyari ang krimen… Nasa Maynila po [ako],” paliwanag ng suspek.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na bantayan ang kanilang mga anak.

“Bantayan natin ang ating mga anak. Huwag sana silang matakot [na mag-report] dahil andito naman tayo na puwedeng tutulong sa kanila,” ayon kay CIDG – DSOU Chief Police Lieutenant Colonel Dave Toktokan. -- FRJ, GMA Integrated News