Hinatulang guilty ng Sandiganbayan Third Division si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Nur Misuari at anim na iba pa, sa two counts ng kasong katiwalian dahil sa ghost purchases ng mga learning tools na nagkakahalaga ng P77 milyon mula 2000 hanggang 2001.

Sa video conference sa paggawad ng hatol, pinatawan si Misuari ng parusang pagkakakulong ng mula anim hanggang walong taong pagkakakulong sa bawat bilang ng kaso (dalawa), at hindi na siya papayagang humawak ng posisyon sa gobyerno, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes.

Kaparehong parusa ang iginawad sa mga kapuwa akusado ni Misuari na sina Leovigilda Cinches, Pangalian Maniri, Sittie Aisa Usman, Alladin Usi, Nader Macagaan at Cristeta Ramirez.

Sa hiwalay na tweet ni Joseph Morong ng GMA Integrated News, sinabi nito na pinawalang-sala naman ng anti-graft court sa kasong malversation of public funds si Misuari, na dati ring lider ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Nauna nang inihayag ni Misuari sa kaniyang depensa na wala siyang kinalaman sa naturang pagbili ng mga sinasabing learning tools na nangyari umano sa panahon ng pumalit sa kaniya sa puwesto na si Parouk Hussin, o mula 2003 hanggang 2004.

Hiniling ni Misuari noong 2018 na ibasura na ang kaso dahil wala umanong katibayan na nag-uugnay sa kaniya.

Pero hindi pinagbigyan ng korte ang hiling ni Misuari at inutusan siyang magpakita ng mga katibayan sa panahon ng paglilitis.

Humirit muli si Misuari ng motion for reconsideration noong January 14, 2019, pero hindi rin kinatigan ng mga mahistrado. —FRJ, GMA Integrated News