Hindi kikilalanin at hindi susundin ng isang grupo ng mga mangingisdang Pinoy sa Zambales ang idineklarang fishing ban na China na aabot sa Bajo de Masinloc o Scarbrough Shoal, na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing umalma at naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa apat na buwang fishing moratorium o tigil sa pangingisda na idineklara ng China na umabot hanggang sa karagatang sakop ng EEZ ng Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ng DFA, sinabi nito na base sa 2016 Arbitral ruling, itinututring na paglabag sa United Nations Convention on the Laws of the Sea ang pagdeklara ng China ng fishing ban.

Iginiit nito na ang Pilipinas lang ang may sovereign rights sa lahat ng yamang-dagat--gaya ng isda-- sa loob ng sarili nitong EEZ.

Sakop ng taunang fishing ban ng China ang lahat na karagatan sa hilaga ng 12 degrees latitude o mula sa taas na bahagi ng Reed Bank hanggang sa Mainland China.

Makakasama sa fishing ban ang Bajo de Masinloc na itinuturing na traditional fishing ground ng mga manginigsdang Pinoy at maging iba pang mga bansa.

Ang isang grupo ng mga mangingisda Pinoy, sinabing hindi nila susundin fishing ban ng China. Gayunman, aminado silang may pangamba sila sa naunang lumabas na ulat na aarestuhin ng China ang mga dayuhan na papasok sa inaangkin nilang teritoryo.

"Isa lang kinikilala naming batas, kung ano ang umiiral na batas sa ating bansa 'yan lang aming kinikilala. Wala kaming pakialam sa batas nila na 'yan," patungkol ni Leonardo Cuaresma, presidente ng New Masinloc Fishermen's Association, sa fishing ban ng China.

Sakaling ituloy naman ng China ang bantang pag-aresto ng mga mangingisda, puwede umano itong maging basehan ng bagong reklamo laban sa China sa ilalim ng Unclos.

"Puwedeng hindi pansinin yun, and if they try to enforced it then that will be an imposition and will be contrary to the 2016 South China Sea arbitration (ruling) puwedeng actually maging source ng isa pang kaso against them," sabi ni Prof. Jay Batongbacal. "Just in case puwede mag-deploy doon, bigyan lang ng support ng Coast Guard (ng Pilipinas) ang mga fisherman natin."

Hinikayat din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga mangingisdang Pinoy na patuloy na pumalaot at maghanapbuhay.

Giit ng BFAR, ang Pilipino lang ang may karapatan na maglagay ng anumang kondisyon sa sariling EEZ.

"Ang gabay natin sa mga mangingisda walang puwedeng pumigil sa kanila na mangisda sa katubigang sakop ng Pilipinas," ayon kay BFAR spokesperson Nazer Briguera, na tiniyak na patuloy ang kanilang paglalayag din sa West Philippine Sea.

Sinusubukan pang kunan ng komento ang Chinese Embassy kaugnay sa pahayag ng DFA pero wala pa silang sagot, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News