Isang foreign national ang nadakip dahil sa panunutok umano ng baril sa Makati City. Ang dayuhan, nakitaan pa ng ilang baril at mga high-tech gadget sa kaniyang sasakyan.

Sa ulat ni Jamie Santos sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nadakip ang foreign national matapos manutok ng baril nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa paghahanap ng mga pulis sa baril na ginamit ng suspek, natuklasan nila sa kaniyang sasakyan ang ilan pang baril at mga gadget.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit sa National Capital Region (NCR), malalaki at advanced ang mga gadget kaya kukuha sila ng mga eksperto para matukoy ang mga ito.

Sinusuri na rin nila ang mga papeles ng mga baril upang matukoy kung lisensyado ang mga ito.

Hindi nagsasalita ng Ingles ang foreign national at kailangan pa niya ng interpreter.

Magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Regional Field Unit – NCR at kanilang counterpart sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matukoy ang pagkatao ng suspek.

Magsasagawa rin ng background investigation ang mga awtoridad upang malaman kung may pending cases siya.

Mananatili sa kustodiya ng CIDG-NCR ang suspek. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News