Nagtamo ng mga pasa at sugat ang isang mangangalakal matapos bugbugin umano ng anim na lalaki sa Tondo, Maynila. Ang dahilan, "trip-trip" lang umano ng mga suspek.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente Huwebes ng madaling araw.

Habang nangangalakal ang biktima, biglang dumating ang grupo at nagtanong kung residente siya sa lugar.

Gayunman, hindi nagustuhan ng mga lalaki ang kaniyang sagot, kaya inumpisahan na siyang gulpihin umano ng mga ito.

Pinalo pa ang biktima ng kahoy na may pako at bote ng alak.

"Akala ko may lakas pa akong makatakbo. Nahilo na ho ako hanggang sa habang tumatakbo po ako, ginugulpi po nila ako," sabi ng biktima.

Tiyempong may mga pulis na napadaan sa lugar kaya agad nadakip ang dalawa sa anim na suspek.

"Ang account ng ating imbestigador, nakainom itong mga suspek natin at napagtripan lang nila itong biktima," sabi ni Police Major Philipp Ines, chief PIO/spokesperson ng Manila Police District.

Dumepensa ang mga naaresto na magnanakaw ang biktima.

"May sumigaw po kasing 'Magnanakaw' eh. Ngayon bigla na lang marami nang gumulpi. Humihingi po kami ng pasensiya sa taong nasaktan namin," saad ng isa sa mga suspek.

Sinabi ng biktima na nilalagari niya noon sa kanal ang mga nakausling bakal.

"Naglalagari po ako ng bakal gawa ho ng maysakit ho 'yung anak ko, wala rin ho akong malapitan," anang mangangalakal.

Nasa kustodiya na ng Delpan Police Station ang dalawang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated homicide.

Ayon sa biktima, nakipag-areglo na sa kaniya ang kampo ng mga suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News